Kabanata 1
Ang suliranin at kaligiran nito
1.1 Panimula
Ayon kay Nicholas Johnson (2000) ang telebisyon ay isa sa mga pinakamakapangyarihang pwersa ng tao na kailanman ay hindi pinakawalan sa kaniyang sarili. Ang kalidad ng buhay ng tao ay maaring nakadepende sa sobrang pagsusumikap upang intindihin at kontrolin ang lakas na iyon. Inilahad dito na ang mga manonood ay higit na maniniwala kapag sila ay may napapanood o nakikita tulad sa telebisyon. Samakatuwid , mas lalong lumalawak ang kanilang kaalaman at karunungan patungo sa pagkatuto.
Ayon kay Edita Reyes (2001) ang epiko ay ang mga sulating nalilimbag at parte ng sulating pampanitikan, kung saan ang mga karakter na nagsisigalaw ay may mga puwersang hindi makatotohanan. Mga karakter na may kakaibang kaanyuan at lakas. Isang pagtatangi ng husay at kabayanihan ng mga karakter sa mga naturang Epiko. Iba’t ibang anyo at pinanggalingan ngunit iisa ang layon ang magbigay ng moral sa mga mambabasa.
Ayon kay Louis Reyes (2001) ang teleserye ay ang mga programang sinusundan ng mga manonood ng telebisyon. At dahil kinahuhumalingan ang mga ganitong klaseng programa, unti-unti na itong sinusubaybayan hanggang sa makabuo nang mga solidong tagapagtangkilik.
Mula sa pagiging panitikan, ay unti-unti naring nabubuhay ang diwa ng epiko, sa kamalayan ng mga kabataan sa kasalukuyang panahon, at dahil modernisado na nga ang panahon sa kasalukuyan ay mas nakikilalang lubos ang telebisyon bilang midyum sa paglikha ng iba’t ibang uri ng mga estorya, isa na rito ang Epiko.
Mula sa pag-usbong ng mga telenobela at teleserye ay sumulpot na rin ang Epikserye kung saan ang daloy ng kwento ay hinango mula sa mga epikong Pilipino, isang uri ng teleseryeng may hindi kapanipaniwalang pangyayari at angking lakas ng mga tauhan. Kaakibat nito ang mga aral at magagandang gawi na siyang nagiging dahilan kung bakit mas kinahuhumalingan ngayon ang mga epikserye.
1.2 Kaligiran ng Pag-aaral
May mga aklat nang nalalathala tungkol sa ibang mga anyo ng panitikang pagbigkas, tulad ng mga bugtong, salawikain, awit, pabula, alamat at mito. Ngunit wala pang puspusang pag-aaral tungkol sa mga epiko, ang pinakamataas na anyo ng pantikang pabigkas. At mahalaga ang mga epiko di lamang bilang panitikan: ang mga ito’y makabuluhang dokumento rin ng ating lipunan bago pa dumating ang pananampalatayang muslim at kristiyano. May maidadagdag sila sa kakaunting tiyak na kaalaman natin tungkol sa sinaunang panahon ng pambansang kasaysayan.
Bukod dito, ang mga tekstong orihinal ay magagamit ding sanggunian ng mga linggwista para sa mga nawawala nang mga wikain.
Dekada 70 umusbong ang industriya ng paglikha ng mga teleserye sa iba’t ibang estasyon ng telebisyon. Lumipas ang mga taon at tila naghahanap ng bago at kakaiba ang mga manonood sa mga teleserye. Tila sumabay sa bilis ng panahon ang damdamin ng mga manonood na maging mabilis din ang bawat pagtalakay sa mga palabas sa telebisyon. Umusbong ang kauna-unahang teleserye na hango mula sa epiko sa telebisyon ang Indio na ipinalabas sa estasyon ng Channel 7 (GMA) kung saan ito ay epiko na mula sa katagalugan.
1.3 Balangkas Teoritikal
Ayon kay Dale (2000) sa kaniyang teoryang “Cone of Experience” ito ay isang teorya kung saan kakikitaan ang mga mag-aaral tungo sa paghubog ng kanilang kagalingan sa iba’t ibang larangan ng pagkatuto. Sa pamamagitan ng panonood ng mga teleserye ay nalilinang ang pakikipag-ugnayan ng mga manonood at mga tagapanood. Naipapahatid nito ang mga mensaheng nais iparating nang malinaw at klaro, subalit sa kadalasang paggamit nito, ang mga ideyang nais bigyang pakahulugan ay hindi maayos na mailahad.
Mahalaga ang pagkakaroon ng pundasyon sa pagsusuri at pagtingin sa mga mahahalagang angkop na mga teleseryeng pinapanood. Kinakailangang malawak o malinang sa mga mag-aaral ang sapat na kasanayan o kaalaman tungkol dito.
1.4 Balangkas konseptwal
Ang layunin ng pagsasagawa ng pananaliksik na ito ay upang magkaroon o mas mapalawak pa ang kaalaman ng bawat mag-aaral tungkol sa naturang paksa. Layunin din nitong malaman ang positibo at negatibong epekto na dulot nito sa mga mag-aaral.
| Batayan -Pagpili ng paksa. Ang paggamit ng epikong Pilipino na sumasalamin sa mga teleserye |
| Proseso -Ang mga mananaliksik ay nangalap ng impormasyon gamit ang mga datos na nasa aklat o internet. -Nagsagawa rin ang mga mananaliksik ng isang sarbey tseklis -Paglilikom at interpretasyon ng mga nakalap na datos |
| Kinalabasan -Paglalagom ng mga nakalap na impormasyon -Konklusyon at rekomendasyon |
1.5 Paglalahad ng suliranin
Layunin ng pag-aaral na ito na mailarawan ang “ Ang paggamit ng Epikong Pilipino na sumasalamin sa mga teleserye” ng mga mag-aaral mula sa Baitang 11 STEM ng paaralang Biñan Integrated National High School (BINHS).
1. Paano mailalarawan ang sosyo-propayl ng mga mag-aaral mula sa baitang 11 STEM ng BINHS.
a.Edad
b.Kasarian
2.Paano mailalarawan ang antas ng interes sa panonood ng Epikserye ng mga mag-aaral mula sa Baitang 11 STEM ng BINHS.
a. Epikserye
b. Estasyon ng Telebisyon
c. Klasipikasyon o Genre
3. Paano mailalarawan ang antas ng pagkatuto ng mga mag-aaral mula sa Baitang 11 STEM ng BINHS.
a. Karunungan
b. Kagandahang asal
1.6 Haypotesis
Ha: Sa pag-aaral na ito malalaman ng mga mambabasa ang positibong epekto sa pag-uugali ng manonood, sa pagkahumaling sa mga Epikserye.
Ho: Malalaman sa pag-aaral na ito ang negatibong epekto ng Epikserye sa Pag-uugali ng mga manonood.
1.7 Kahalagahan ng pag-aaral
Sa mga mag-aaral- Makakatulong ang pananaliksik na ito upang lalong mapalawak ang kanilang mga kaalaman kung paano magiging isang mahusay na mag-aaral. Magsisilbing gabay ito upang malinang ang kanilang kaisipan at kakayahan sa kanilang pag-aaral. Inaasahan na ang pag-aaral na ito ay makakatulong ng malaki para sa epektibong pamamaraan ng pag-aaral at masanay sa wastong pamamaraan sa pag-aaral.
Sa mga guro- Magkakaroon sila ng kaalaman sa mga dapat gawin ng kanilang estudyante nang sa gayon ay magabayan at matulungan ang mga mag-aaral sa tamang pamamaraan ng kanilang pag-aaral. Magiging isang malaking karangalan at tagumpay sa isang guro na nagiging matagumpay ang kanilang mga estudyante sa hinaharap.
Sa mga magulang- Ang mga magulang bilang unang guro ng kanilang mga anak, ay makakapag-isip ng mga bagay na maipapayo at maitutulong sa kanilang anak. Kasabay ng paggabay tungo sa maayos at magandang pamamaraan ng kanilang pag-aaral.
1.8 Saklaw at Delimitasyon
Ang saklaw ng pananaliksik na ito ay ang mga mag-aaral mula sa baitang 11 STEM ng paaralang Biñan Integrated National High School (BINHS). Mula sa Pangkat Pascal, Descartes, Pythagoras, Euclid, Socrates hanggang Demosthenes, ay mangangalap ng datos gamit ang mga talatanungang ipamamahagi ng mga mananaliksik sa mga piling mag-aaral.
1.9 Katuturan ng mga salitang ginamit
Ang bawat termino na nabanggit ay nakapaloob sa pananaliksik na ito. Ang mga terminong ginamit ay higit na makatutulong sa mga mambabasa upang lubos na maunawaan ang isinagawang pananaliksik. Ang bawat depinisyon ng mga salita ay nagmula sa diksyunaryo (Diksyunaryong Filipino)
Interes– Ito’y tumutukoy sa kawilihan ng mga manonood
Manonood– Sila ang mga taong tumatangkilik sa iba’t ibang programa ng telebisyon at importanteng kalahok; at ang pinakamalaking populasyon sa ating bansa na kung saan kakikitaan ng iba’t ibang interes pagdating sa panonood ng mga teleserye sa pamamagitan ng telebisyon o maging sa mga gadyets na pinakagamitin sa kasalukuyang panahon.
Pagkahumaling– Ito ang pagkahilig sa panonood ng teleserye at paglalaan ng sobrang oras sa panonood.
Pagkatuto– Paraan o mithiin ng mga nagtuturo sa kanilang mga mag-aaral kung maari na bang lumabas o magpatuloy sa bagong kaalaman o talakayan ang isang guro.
Panonood– Ito ay nakatutulong sa pagpapa- unlad at pagpapalawak mula sa kanilang nakikita at naririnig sa pamamagitan ng panonood nakakagawa din ng sariling interpretasyon ukol sa mga ipinapalabas mula sa telebisyon.
Programa– Dito pinapalabas ang mga teleserye o soap opera mula sa telebisyon. Ginagamit ng mga network upang magpalabas na naayon sa mga panlasa ng manonood.
Telebisyon– Ito ang pinakagamiting kasangkapan sa panonood. Hanguan o pinakagamitin upang makakuha ng mga impormasyon at makapgbigay ng kasiyahan sa mga manonood.